Tabloid Issue Vol XL No 3
Nina Rowell Demdam, Arlen dela Pena at Kevin FacunHalos ubos ng yamang-mineral, kalbong mga puno, at napabayaang kagubatan- Ito ang estado ng Biak-na-Bato pitong taon na ang nakalilipas. Dumanas ng pang-aabuso at tila namaltrato ang maituturing na isa sa pinaka makasaysayang lugar sa Bulacan. Matapos ang lahat ng pasakit at pahirap, unti-unti ng sumisibol ang bagong pag-asa at sumisilay na ang berdeng bahaghari para sa Biak-na-Bato.
Matatandaan na noong taong 2003 ng pumutok ang kontrobersya hinggil sa pagmimina sa bundok ng Rosemoor Mining and Development Corporation (RMDC). Nagdulot ng pagkasira sa bundok ang isinagawang pagmimina, may mga parteng may butas na at ang ilang parte naman ay halos makalbo na ang mga puno.
Ipinangtanggol ng mga residente sa lugar at iba’t ibang socio-civic group para tuluyan nang itigil ang pagmimina rito. Bukod kasi sa tea rose marble na isa sa mga pinakamahal na uri ng marmol sa buong mundo at 2,117 ektaryang limestone forest sa iba’t ibang uri ng mga halaman at mga hayop na matatagpuan dito, ang Biak-na-Bato ay lubos na makasaysayan. Ito ang nagsilbing kuta ng mga rebolusyonarong Pilipino sa pumumuno ni Hen. Emilio Aguinaldo noong Panahon ng mga Kastila at dito n’ya itinatag ang Republika ng Biak-na-Bato, ang una sa Asya.
Matapos ang ilang taon nang pakikibaka ng mga residente sa lugar at iba’t ibang socio-civic group para tuluyan nang itgil ang pagmimina sa Biak-na-Bato, inilabas noong Disyembre 2010 ng Bureau of Mines and Geo-Hazard ng Department of Environment and Natural Resources DENR) ang kanselasyon ng mining permit ng RMDC matapos mapatunayan na nilabag nito ang mga probisyon ng Philippine Mining Act of 1995.
Ngunit kahit na nasupil ang pagmimina sa kabundukan ng Biak-na-Bato ay hindi pa rin natuldukan ang ilegal at legal na pamumutol ng puno sa Biak-na-Bato na s’ya namang naging dahilan ng halos pagkakalbo at pagkamatay ng dati’y berdeng kulay nito.
Bilang pagtugon sa suliraning ito, nagkaroon ng memorandum of agreement sa pagitan ng Bulacan State University (BulSU) at Protected Area Management Board (PAMB) noong Setyembre 2011. Inako ng unbersidad ang responsibilidad na taniman ng iba’t ibang uri ng binhi ang limang (5) ektaryang lupa na bahagi lamang ng kabuuang sukat nito upang mapanumbalik ang dati nitong kulay at sigla na siyang nagbigay daan sa pagsasagawa ng Rainforestation Project ng BulSU noong ika-16 ng Oktubre 2011.
Kaugnay nito, inilunsad rin nang BulSU Eco-Rangers ang proyektong ‘Family Tree Fund-Raising Project’. Layunin ng proyekto na makalikom ng pondong idadagdag sa mbga proyekto ng BulSU Rainforestation Project .
“Nakahihiya naman kung tayong mga university dito sa Bulacan walang magagawang effort para tumulong sa pagre-revive ng Biak-na-Bato,” ani Reynaldo Naguit, Dekano ng College of Social Sciences and Philosophy (CSSP) at isa rin sa mga Direktor ng PAMB.
Isa sa mga hangarin ng proyekto ay ipunla sa nakalbong karst limestone forest ng Bulacan ang mga katutubong puno nito, tulad ng alibangbang, armay, calumpit, kupang, katmon, lawaan, luknab, malatagum, palusapis, salumata, tibig at yakal, upang katulad ng Biak-na-Bato, ay maisalba rin ang mga ito sa unti-unti na nitong pagkawala.
“ ‘Yan ‘yong mga puno na wala na sa kamalayan natin na mayroon palang ganoon. Halimbawa, ‘yong alibangbang, akala natin sa kanta lang puno pala, [‘yong] katmon, calumpit akala natin lugar lang puno din pala,” ani Napoleon Perez, isa sa mga tagapayo ng BulSU Eco-Rangers.
Mula nang inilunsad ng BulSU Eco-Rangers ang fund raising program ay mahigit-kumulang 7, 000 Php na ang nalikom ng grupo, na siyang idadagdag sa 70 libong piso na pondo ng BulSU Rainforestation Project na inilalaan para sa transportasyon ng mga volunteer at upang ipambili ng panibagong seedlings.
“Yong Family Tree [Fund-Raisng Project], five pesos per leaf. Ten leaves to produce a tree. Awareness more than fund raising, kahit hindi na kami kumita [‘yong fund raising project] ang mahalaga nalaman ng mga taga-BSU. Biro nga namin ni sir [Macale], lahat ng estudyante required na magbigay kasi requirement ‘to ng kalikasan na ginagamit naman natin,” pahayag ni Perez.
Palalakihin muna ng ilang opisyal, faculty at estudyante ng BulSU ang mga binhing itatanim sa isang semi-nursery area na nakalagak sa Biak-na-Bato bago pa man ito itanim. Patuloy ang monitoring ng mga itinamin na puno ng BUNDOK o Buklod Unlad ng Dalitang Umaasa sa Kabundukan Inc., isang lokal na grupo ng mga katutubo sa Biak-na-Bato.
Sa unang pagtatanim nila sa Biak-na-Bato noong 2011, nakapagtanim na sila ng 1, 100 na seedlings sa unang ektarya ng limang ektaryang lupa na inaalagaan ng BulSU. Mahigit 4,000 naman na katutubong puno ang naitanim ng 300 student volunteers at faculty ng BulSU nang isinagawa ang ikalawang pagtatanim sa 4 na ektaryang lupain ng Biak-na-Bato nitong Nobyembre 8, 2012.
“Ang mga nagtanim ngayon ay mga kabataan, pero kapag makapagtanim man ‘yan ng isa o nakapag-abot man lang ‘yan ng punla, pero the fact na sumama sila ngayon, malayo ang nilakad, mainit at pawisan, ay na-develop mo na rin ang kanilang environmental sense, na sila ay may magagawa din para sa environment,” ani Naguit.
Kakailanganin pa ng susunod na henerasyon ang kalikasang mayroon tayo ngayon. Nauubos ang likas na yaman dahil sa pangangailangan o kasamikan ng tao ngunit hinid iniinda ng tao ang posibilidad na balang araw ay wala ng magamit sa mga ito o magdulot ng kung anu-anong dilubyo.
Gaya ng sa Biak-na-Bato, may responsibilidad ang tao na gumawa ng aksyon upang muling ibalik at buhayin ang ganda at dating mga napapakinabang mula rito. Dapat itong maging isang siklong walang katapusan kaagapay ang luntian bahagharing magtatanim ng kulay sa nawasak na bundok.