Pacesetter Vol XLI No. 1 Broadsheet Issue
Ni Shabs Thomas
Ni Shabs Thomas
Ayokong dumadaan do’n sa bahay na 'yon. Do'n sa dilaw na bahay. Nakakatakot. Kahit pa ‘sing ganda ng palasyo 'yong bahay... nakakakilabot…
***
Wirdo talaga rito sa bayan namin.
Ewan ko ba pero parang ang daming kababalaghan dito... Noon, may baliw na nagsisigaw na malapit na raw ang katapusan. May mga bagong lipat tapos bigla ring nawawala, naglalahong tila bula. Ganito lang siguro talaga ‘pag probinsya, malayong malayo sa mga nababasa ko sa mga magasin at mga libro tungkol sa Maynila.
Basta ‘pagka-graduate ko ng hayskul, pipilitin ko sina inang na pag-aralin ako sa Maynila, sa pangarap kong eskuwelahan sa Diliman o 'di kaya naman e 'yong sa Sta. Mesa. Dalawang taon na lang naman e. Kakayanin naman namin ‘to. Tapos, ‘pag nakapagtapos na 'ko, makakaahon na rin kami sa hirap. Sana. Sana...
Tapos lilipat na kami sa Maynila o ‘di kaya naman e sa ibang bayan. Basta malayo rito sa San Isidro. ‘Don sa lugar na walang bahay na katulad ng sa kalye Maimbog. ‘Yong katulad ng sa Bahay na Dilaw. Do’n sa walang bahay na nakakatakot. Sa walang bahay na minumulto.
Sabi ng mga lolo at lola ko, mga Kastila daw ang unang nanahan do’n sa Bahay na Dilaw. Hanggang sa mapatay raw mismo ang mga orihinal na pamilyang nakatira roon nang maghimagsik ang mga tiga-San Isidro laban sa mapaniil na encomiendero. Iba’t iba na nga ‘yong tumira do’n sa Bahay na Dilaw. May Amerikano, Hapon, Intsik, hanggang sa mabili ito ng mga Clemente, ang pinakamayaman noon dito sa San Isidro.
Pero no’ng tumira na nga ang mga Clemente sa Bahay na Dilaw, nagkamalas-malas na nga ang buhay nila. Hindi sila naghirap pero maaga silang naulila sa padre de pamilya. Tapos tuluyan nang nilisan ng katinuan ang ilaw ng tahanan hanggang sa magkawatak-watak na nga ang magkakapatid na Clemente. Nagkanya-kanya. Iniwan na lang ang bahay sa katiwala nila na lolo ni Mang Gusting, ‘yong taga-bantay ng Bahay na Dilaw ngayon.
Bilib na bilib nga ako kay Mang Gusting e. Siya lang kasi ang nakatatagal sa Bahay na Dilaw. Siya lang at 'yong anak niyang si Alex na sintu-sinto. Hindi ko alam kung ano'ng nangyari sa asawa ni Mang Gusting pero ang balita e hiniwalayan daw ito dahil 'di nakaya ng asawa niya ang mga elemento sa Bahay na Dilaw. Tuwing umaga, kapag nadadaan ako sa Bahay na Dilaw ‘pag pumapasok sa eskwela e nakikita ko ‘yong mag-ama, masaya at tila walang pakialam sa mga elementong nakatira sa Bahay na Dilaw.
Pero ‘pag kagat na ng dilim, iba na ang drama sa Bahay na Dilaw. Nakakakilabot, nakakatakot. Nang minsang gabihin ako ng uwi at nadaan ako sa kalye Maimbog, nagtaasan ‘yong balahibo sa may batok ko. Napatingin na lang ako sa gawing kanan ko, ang Bahay na Dilaw. Tapos timing namang may umalulong na aso kasabay ang malinaw na malinaw na mga ungol mula sa Bahay na Dilaw. Tapos may biglang umalingawngaw na boses, mahina ngunit malinaw na malinaw ang sinambit ng boses.
“Tulong.”
Napakaripas ako ng takbo. Hindi ako tumigil hangga’t hindi ako nakauwi sa ‘min. Ayoko na. Hindi na ako magpapagabi. Hinding hindi na 'ko muli dadaan sa bahay na ‘yon. Sinumpa na nga yata ng langit ang Bahay na Dilaw. Tahanan siguro ‘yon ng mga demonyo. Basta ayaw ko nang dumaan sa bahay na ‘yon nang mag-isa. Ayoko na.
***
Bakit nga ba ako napilit ng mga kaibigan ko na mag-ghost hunting?
Mula kasi nang nabanggit ko sa kanila ‘yong nangyari no’ng isang gabi pinipiltit na nila akong pasukin namin ‘yong Bahay na Dilaw. Ako lang ‘yong may ayaw. Duwag na kung duwag pero ayoko talagang pumasok do’n sa bahay na ‘yon.
Pero sa 'di malamang dahilan, heto ako at nagtatangkang pasukin ito...
Lumangitngit ang gate ‘pag pasok namin. Mabigat at mahirap itulak ang gate. Tila ayaw kaming papasukin. Tinawag ko si Mang Gusting ngunit wala yata siya ngayong gabi.
“Jackpot! Walang bantay, walang pipigil sa ‘tin!” sigaw ng isa kong tropa.
Walo kaming pumasok dito sa Bahay na Dilaw. Mala-palasyo talaga ang bahay. Kung hindi lang siguro ito haunted house, gugustuhin kong dito tumira. Mayroong malaki at magarbong hagdan sa harapan ng bahay, gawa sa capiz ang mga bintana, at mapusyaw na ang pagka-dilaw nito. Bakas ang pagluma ng panahon sa bahay ngunit mabibighani ka pa rin ng nakakilabot nitong ganda.
Namalayan ko na lang na binuksan na pala ni King ang pinto. Pumasok na sila pero ako ay tila napako sa kinatatayuan ko. Nakakakilabot talaga ‘yong bahay.
Kahoy ang sahig ng bahay kaya naman sa bawat hakbang namin ay lumalangitngit ang sahig. Nakakadagdag lang ito sa takot na nadarama ko. Inikot namin ‘yong bahay pero ni isang multo o kung ano pa mang element ng kabilang mundo, wala kaming nasalubong.
“Ang korni naman neto!” sigaw ni Karlo, “Wala man palang multo rito. Tara na nga mamaya me mawala pa--
'Di pa man natatapos magsalita si Karlo, natigilan siya dahil sa may narinig kaming mga ungol. Tumaas ang mga balahibo ko. Nagkatinginan ang lahat.
"Narinig n'yo ba 'yon? Ha?" nanginginig na sambit ng isa kong kasama, sabay tingin sa paligid. Walang nagsalita, marahil ay dahil sa nadaramang takot.
At muli pa naming narinig ang ungol. Paulit-ulit. Palakas nang palakas.
Ilang saglit pa'y bigla silang kumaripas ng takbo samantalang ako ay napako lang sa kintatayuan ko. Hindi ko alam kung ano'ng dapat kong gawin. Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Nakatanaw lamang ako sa kanila. Nang naramdaman ko na ang aking mga paa at nagkalakas ng loob na humakbang paalis ay bigla ko na namang narinig ang tinig.
“Tulong, maawa na kayo… 'Wag po! 'Wag po…”
Muli akong natigilan, tila hinahatak ako ng boses na ‘yon. Imbis na kumaripas palayo mula sa tinig ay nakita ko na lamang ang sarili ko na naglalakad patungo sa kinaroroonan nito.
“'Wag po, parang awa niyo na, 'wag po…”
Lalong bumibilis ang kabog sa aking dibdib. Tila kumakawala ang puso ko… Hanggang sa tuluyan na kong lisanin ng katinuan.
Nakita ko siya…
Sila...
Si Mang Gusting… Nakakubabaw… Si Alex… Nakatali… Nagmamakaawa… Umiiyak…
Nagtama ang mga mata namin ni Alex… Hindi ko na siya narinig. Wala na akong naririnig. Tuluyan na akong nabingi at napako sa aking kinatatayuan. Nagsasalita siya, si Alex. Hindi ko narinig ang sinasabi niya ngunit nababasa ko sa mga labi niya...
“Tulong.”
Lumingon si Mang Gusting. Tinitigan ako ng mga mata ng demonyo. Do'n lamang ako natauhan. Kumaripas ako ng takbo... Papalayo sa dilaw na mansyon, papalayo sa Bahay ng Demonyo.